
CAUAYAN CITY – Kasabay ng pagsailalim ni Governor Rodito Albano sa kanyang pinakahuling swab test na negatibo ang resulta ay negatibo na rin ang ilang opisyal sa Isabela na unang nagpositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na kahapon ay sumailalim siya sa swab test sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City at nagpapasalamat siya dahil negatibo siya sa virus.
Bukod sa kanya ay sumailalim din sa swab test ang lahat ng kanyang kasama sa kanilang bahay kabilang ang kanilang mga kasambahay na negatibo rin sa COVID-19.
Ayon kay Governor Albano, ito na ang ikalimang beses na sumailalim siya sa swab test habang dalawang beses na sa rapid test.
Pinayuhan siyang sumailalim sa self-quarantine hanggang sa araw ng Biyernes subalit dahil sa dami ng kanyang trabaho ay papasok na siya subalit walang puwedeng lumapit sa kanya.
Inihayag pa ni Governor Albano na nagnegatibo na rin sina Mayor Arnold Edward Co ng Delfin Albano, Isabela at Mayor Antonio Miro, Jr ng San Pablo, Isabela na unang nagpositibo sa rapid test.
Maging si Mayor Josemarie Diaz ng Lunsod ng Ilagan ay negatibo na rin sa COVID-19.










