CAUAYAN CITY – Maaring abutin pa ng isa hanggang dalawang araw bago maabot ng mga ground rescuers ang binagsakan ng Piper Cherokee Plane sa bahagi ng Brgy. Casala.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, ang Commander ng Incident Management Team sinabi niya na mahirap ang terrain sa crash site dahil matatarik ang bangin na dadaanan ng mga rescuers.
Aniya nasa halos limang kilometro lamang ang kung susumahin ang layo ngunit walang daan, matatarik na bundok ang dadaanan at dagdag pahirap pa sa mga rescuers ang maulang panahon sa lugar.
Naghanap na rin aniya ang aerial inspection team ng pagbabaan sa mga rescuers ngunit walang mahanap dahil masukal ang lugar kung saan bumagsak ang eroplano at pagitan pa ng dalawang bundok kaya hindi makalapit ang helicopter.
Tiniyak ni Atty. Foronda na kung gaganda ang lagay ng panahon ay nasa dalawang araw lamang ang aabutin ng rescue operation sa dalawang pasahero ng eroplano.
Umaasa naman siyang buhay pa ang dalawang pasahero dahil intact ang katawan ng eroplano hindi katulad ng nangyari sa CESSNA 206 Plane na head-on collision sa bundok ang nangyari.
Samantala pinull-out na ng IMT ang mga rescuers sa Palanan Isabela upang pagtuunan ng pansin ang rescue operation sa bahagi ng Casala San Mariano Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Glenn Cabaldo, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Palanan, Isabela sinabi niya na maaring ngayong araw ay makabalik na sa Proper ang mga rescuers.
Aniya pahirapan ang paglakbay ng mga rescuers sa kabundukan dahil sa matatarik na bundok kung saan may mga rescuer nang nasusugatan.
Kung ikukumpara sa daanan ay mas madali ang paglakbay sa Brgy Casala kaya nagdesisyon ang IMT na ipull-out na sila.
Nais man nilang ituloy ay mas matatagalan pa at may nauna na rin namang rescuers na nakarating malapit sa crash site kaya ipinaubaya na nila ang operasyon.











