--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nanawagan ng pagtaas ng sahod ang grupo ng mga healthworkers sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jao Clumia, presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association, sinabi niya na hindi pa rin nabibigyang pansin ng pamahalaan ang mga isyu na kinakaharap ng mga health workers sa bansa.

Aniya hanggang ngayon ay maraming nurses ang nagtutungo sa ibang bansa dahil sa maliit na sahod.

Ang limampung libong sahod ng mga public nurses sa bansa ay sapat na upang tulungan ang mga healthworkers na malaki ang naitutulong sa bansa.

--Ads--

Iginiit ni Ginoong Clumia na hindi pabor sa mga manggagawa ang plano ng DOH na ipapasok sa grievances ang mga healthworkers na hindi pa nakakatanggap ng kanilang allowance.

Aniya dapat ding sisihin ang mga namumuno ng DOH dahil sa matagal na paglalabas ng pondo para sa mga health emergency allowances ng mga health workers na dapat nilang matanggap noong kasagsagan pa ng Covid 19 pandemic.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng grupo kung ano ang magiging aksyon ng DOH sa kanilang hinaing at kung wala silang matatanggap na sagot ay maari na nila itong idulog sa kongreso o sa senado.

Ayon kay Ginoong Clumia patuloy ang pagreresign ng ilang mga nurses at nangingibang bansa na lamang dahil sa mababang sahod at matagal na pagbibigay ng kanilang benepisyo.

Aniya tumaas na lahat ng presyo ng mga bilihin ngunit ang sweldo ng mga manggagawa ay katiting lamang ang itinaas na hindi na sapat para ipantustos sa pangangailangan ng isang pamilya.