
CAUAYAN CITY – Maaring maharap sa kasong obstruction of justice ang mga guwardiya at pamunuan ng subdivision kung saan nakatira ang driver ng sasakyan na nakabangga at sumagasa sa isang security guard na nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, dating IBP President na ang pagkakamali ng mga pulis nang pinuntahan ang pinaghihinalaan sa address nito sa isang subdivision upang mag-imbestiga ay hindi sila pinapasok ng mga guwardia sa gate.
Ayon kay Atty. Cayosa, ang mga pulis ay may kapangyarihang mag-imbestiga subalit hindi sila maaaring pumasok sa loob ng bahay ng pinaghihinalaan at hindi maaring mang-aresto kung walang search warrant o warrant of arrest.
Dapat aniyang iginiit ng mga pulis na makapasok sa loob ng subdivision para mag-imbestiga at dahil hindi nila ito ginawa ay kailangan itong ipaliwanag ng mga otoridad.
Maari aniyang kasuhan ng obstruction of justice ang mga guwardiya at ang mga namumuno ng subdivision dahil hindi maaring hadlangan ang mga otoridad sa isasagawang imbestigasyon maliban na lamang kung legal o matinding dahilan.
Kaugnay naman sa isinagawang press conference sa pagprisinta sa pinaghihinalaan ay wala namang nalabag ang pulisya.
Hindi naman maaring arestuhin ng PNP ang pinaghihinalaan matapos maghain ng reklamo sa piskalya at ang lumantad na suspek ay hindi pa lumalabas ang kanyang warrant of arrest at hindi pa napagpasyahan ng piskalya kung anong kaso ang kanyang kakaharapin.
Sinabi ni Atty. Cayosa na kapag regular filling ay magkakaroon ng investigation kung saan isu-subpoena ang pinaghihinalaan at sasagutin ang reklamo bago i-evaluate ng piskalya kung ano ang tamang kasong isasampa at aalamin kung may probable cause.










