CAUAYAN CITY- Nagpakalat ng nasa 179 na kapulisan ang Isabela Police Provincial Office sa iba’t ibang lugar sa Isabela bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na ang mga naipakalat na pulis ay mula sa ibat’ ibang himpilan na nasasakupan ng IPPO kung saan 6 mula rito ang Police Commissioned Officer (PCOs) at 173 Police Non-Commissioned Officer.
Aniya, layunin nilang matiyak ang seguridad sa lalawigan ng Isabela pangunahin na sa mga bayan na nangangailangan ng karagdagang pwersa ng mga kapulisan.
Isa naman sa kanilang tintututukan ay ang pag-secure sa mga election paraphernalia na mula sa pag-transpot hanggang sa makarating ang mga ito sa mga designated precincts.
Tiniyak naman ng IPPO na magiging patas sila sa anumang sitwasyon bilang pagtugon sa pagiging non-partisan ng mga kapulisan.
Nakiusap naman sila sa mga kandidato at mga supporters na iwasang magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga katunggali sa Politika upang maidaos ng payapa ang Halalan.