Isang babae na high-value target (HVT) sa ilegal na droga ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang search warrant operation sa bayan ng San Mateo, Isabela nitong madaling-araw ng Hunyo 4.
Ang suspek ay nasa hustong gulang at residente ng San Mateo, Isabela. Ayon sa pulisya, kabilang umano ang suspek sa listahan ng mga high-value target na sangkot sa iligal na droga sa lalawigan.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ng mga operatiba mula sa loob ng isang kulay asul na pouch ang 14 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Narekober din ang isang putol na lighter at P275 cash mula sa isinagawang body search sa suspek.
Isinagawa naman ang tamang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service (NPS) at mga opisyal ng barangay bilang mga saksi, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165** o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











