
CAUAYAN CITY – Umabot sa libu-libong ektarya na taniman ng mais sa rehiyon ang naapektuhan ng tagtuyot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na mula sa 245 ektarya na natanman ng mais sa rehiyon ay mayroong mahigit sampong libong ektarya ang totally damaged habang umaabot naman sa 105,000 ektarya ang partially damaged.
Pinakamalaki rito ang mga taniman ng mais sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Dahil dito, aabot na sa milyon ang halaga ng nawala sa sektor ng maisan sa rehiyon.
Ayon kay Regional Director Edillo, prayoridad na mabibigyan ng ayudang binhi ang mga magsasakang kabilang sa totally damaged para sa susunod na taniman at nairequest na nila ito sa kanilang central office.
Hinikayat naman niya ang mga nagtatanim ng mais na bumuo ng asosasyon para makatulong sa kanila kapag sila ay magbebenta na ng kanilang produkto.
Puwede kasi aniya nila itong mai-connect sa mga gilingan ng mais hindi gaya sa mga bodega na hindi nila kayang kontrolin ang presyo.
Pinayuhan din ng Regional Director ang mga nagtatanim ng mais na i-timing ang kanilang pagtatanim.
Dapat aniya bago matapos ang Oktubre ay tapos na sa pagtatanim para marami pang mararanasan na ulan ang mais.
Kung Disyembre pa kasi aniya ang pagtatanim ay kaunti na lamang ang ulan.










