--Ads--

Idineklara ng House Committee on Justice na may sapat na batayan o “probable cause” ang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng nagkakaisang boto ng mga miyembro ng komite.

Sa botong 53 na pabor at walang tumutol, pormal na kinumpirma ng mga mambabatas na may umiiral na probable cause sa mga reklamo laban sa bise presidente.

Ang mga impeachment complaints ay inendorso nina Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima at 6th District Manila Rep. Benny Abante.

Sa mga pagdinig ng komite, tinalakay ang iba’t ibang paratang laban kay Duterte, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery, hindi maipaliwanag na yaman at mga transaksyong pinansyal, pati na rin ang mga alegasyon ng banta at destabilization activities.

--Ads--

Dahil dito, inaasahang bubuo na ng committee report ang House Justice panel na isusumite sa plenaryo ng Kamara para sa susunod na hakbang ng proseso ng impeachment.

Kakailanganin ang boto ng isang-katlo ng mga miyembro ng plenaryo upang umusad ang impeachment case laban sa bise presidente.