Hindi muna tatalakayin ng Senate impeachment court ngayong Miyerkules ang Article I ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds matapos pagbigyan ang hiling ng kampo ng depensa na ipagpatuloy sa susunod na araw ang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Sa ikawalong araw ng impeachment trial, hiniling ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan na maituloy kinabukasan ang natitirang bahagi ng kanilang pagtatanong kay Matibag kaugnay ng Article IV o ang alegasyon ng grave threats laban sa Bise Presidente.
Ayon sa depensa, kailangan nila ng sapat na oras upang masuri ang mga dokumentong iniharap ng House prosecution panel bilang bahagi ng kanilang ebidensya.
Kabilang sa mga dokumentong isinumite ng prosekusyon ang affidavit ni dating Davao Death Squad member at pulis na si Arturo Lascañas upang suportahan ang pagsusuri ng NBI na may umano’y pattern of violence si Duterte.
Iginiit naman ng depensa na mabigyan sila ng kopya ng naturang dokumento dahil nakalista ito sa ilalim ng Article II na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente at hindi sa Article IV.
Matapos aprubahan ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng depensa, binawi rin nito ang mga naunang subpoena para sa mga testigong nakatakdang humarap para sa pagtalakay ng Article I.
Inatasan ni Escudero si Matibag na muling humarap sa korte mamayang alas-2 ng hapon upang ipagpatuloy ang kanyang testimonya, kabilang ang cross-examination, redirect at re-cross examination, pati na rin ang mga katanungan mula sa mga senator-judge.
Nang tanungin kung handa siyang muling dumalo kahit walang subpoena, kinumpirma ni Matibag ang kanyang pagdalo sa susunod na pagdinig.











