--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinamon ng IBON Foundation ang Employers Confederation of the Philippines na maglabas ng datos na malaking banta sa kanilang negosyo ang isinusulong na umento sa sahod ng mga manggagawa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na suportado nila ang anumang wage hike dahil para ito sa mga manggagawa na kapos na ang kinikita dahil sa mahal na presyo ng pangunahing bilihin sa merkado.

Hinamon niya ang mga negosyante na magpakita ng financial statement kung totoong hindi nila kakayanin ang isinusulong na wage hike.

Matatandaang sa mga nakalipas na wage hike hearings ay walang inilabas na datos ang mga negosyante sa kanilang rason na malaking banta sa kanilang sektor ang umento sa sahod ng mga manggagawa.

--Ads--

Iginigiit ng mga negosyante na sakaling ipatupad ang wage hike ay mapipilitan silang magtanggal ng mga manggagawa.

Iginiit ni Ginoong Africa na magkaiba ang ayaw sa hindi kaya nais nilang maglabas din ng datos ang mga negosyante at hindi opinyon lamang ang kanilang panig.

Aniya mayroong datos ang Philippine Statistics Authority patungkol sa gastusin ng ilang MSMEs at kung magkano ang kinita nila sa isang taon at kung magkano ang kanilang pinapasahod sa mga manggagawa.

Makikita sa datos na maliit na bahagi lamang ng gastusin ng mga negosyante ang pasahod sa mga manggagawa.

Ayon kay Ginoong Africa malaki ang naitutulong ng mga manggagawa sa pag unlad ng mga negosyante kaya nararapat lamang na bigyan sila ng sapat na pasahod.