--Ads--

Sa kabila ng nararanasang matinding init ng panahon, nananatiling walang pagbabago sa deployment ng mga tauhan ng Ilagan City Police Station upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa lungsod.

Ayon kay PMaj. Angelo Dasalla, Deputy Chief of Police ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya  araw-araw ay umaabot sa 90 porsyento ng kanilang mga personnel ang nakatalaga sa field habang 10 porsyento naman ang nananatili sa loob ng himpilan.

Dagdag pa niya, mas pinaigting pa ang deployment tuwing may malalaking aktibidad at pagdiriwang sa lungsod kung saan kinakailangan ang full deployment ng kanilang hanay upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Sa kabila naman ng epekto ng matinding init, ipinatutupad ng istasyon ang regular na health monitoring at check-up sa kanilang mga tauhan alinsunod sa direktiba ng Philippine National Police upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang ginagampanan ang tungkulin.

--Ads--

Pinapayuhan din ang mga pulis na uminom ng sapat na tubig at manatiling hydrated upang makaiwas sa heat stroke at iba pang heat-related illnesses.

Nagpasalamat naman si PMaj. Dasalla dahil sa kasalukuyan ay wala pa silang naitatalang heat-related incidents sa kanilang mga tauhan sa kabila ng patuloy na mataas na temperatura sa lungsod.

Ayon pa sa opisyal, nananatiling prayoridad ng kanilang hanay ang pagpapanatili ng peace and order lalo na sa panahon ng mga aktibidad at pagtitipon ng publiko.