--Ads--

Ipinaalala ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na isa sa pinakamabisang hakbang laban sa patuloy na nararanasang matinding init ng panahon ay ang tuloy-tuloy na pagtatanim ng puno at pangangalaga sa kalikasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director for Technical Services Marcos Dacanay ng DENR Region 2, sinabi niya na mahalagang palakasin ang mga programang reforestation at forest protection upang mabawasan ang epekto ng climate change, partikular ang patuloy na pagtaas ng temperatura.

Binigyang-diin nito na sa rehiyon, isa sa mga pangunahing hakbang ang pagpapalawak ng pagtatanim ng kawayan at iba pang punongkahoy.

Malaki umano ang naitutulong ng kawayan dahil mabilis itong tumubo, nakakatulong sa pagpigil ng soil erosion, at mahusay din sa pagsipsip ng carbon dioxide na isa sa pangunahing dahilan ng pag-init ng mundo.

--Ads--

Bukod dito, nagsisilbi rin itong panangga laban sa malalakas na bagyo at iba pang kalamidad.

Sa kabilang banda, sa lalawigan ng Isabela, patuloy rin ang mga hakbang para sa pangangalaga at preservation ng Sierra Madre na itinuturing na natural barrier laban sa malalakas na bagyo.

Kabilang sa mga isinasagawang aktibidad ang forest protection efforts sa Northern, Central, at Eastern portions ng Sierra Madre upang mapanatili ang kalagayan ng kagubatan.

Binigyang-diin pa ni Dacanay na mahalaga ang aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan upang maging matagumpay ang mga programang pangkalikasan.

Ayon sa ahensya, hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan kundi tungkulin din ito ng bawat isa.