Ibinahagi ng ilang atletang Santiagueño ang kanilang makukulay na karanasan sa katatapos lamang na CAVRAA 2026, matapos nilang magtagumpay at makasungkit ng mga medalya na nagbigay sa kanila ng tiket patungo sa Palarong Pambansa.
Isa sa mga nanguna ay si Cali Alessia Carlos Jose ng Santiago North Central School Integrated SPED Center na nagpakitang-gilas sa larangan ng swimming.
Naiuwi niya ang gintong medalya sa 200-meter freestyle, 50-meter butterfly, 100-meter freestyle, 100-meter butterfly, gayundin sa 4×100-meter medley at 4×100-meter freestyle relay.
Bukod dito, nakapagtala rin siya ng pilak sa 50-meter freestyle at kinilala bilang Most Outstanding Swimmer ng kompetisyon.
Nagpamalas din ng husay si Reyna Aliyah A. Baggay mula sa Santiago South Central School matapos magwagi ng gintong medalya sa 50-meter breaststroke at 100-meter breaststroke.
Nakakuha rin siya ng pilak sa 200-meter individual medley at tansong medalya sa 100-meter freestyle, bukod pa sa dalawang gintong medalya sa 4×100-meter medley at 4×100-meter freestyle relay events.
Samantala, nag-ambag din ng karangalan si Blisse Caitlin Manubay ng Infant Jesus Montessori School matapos makuha ang gintong medalya sa 50-meter freestyle at maging bahagi ng koponan na nagwagi sa 4×100-meter medley at 4×100-meter freestyle relay.
Nakasungkit din siya ng tansong medalya sa 50-meter butterfly at 50-meter backstroke.
Ayon sa mga atleta, hindi naging madali ang kanilang paghahanda para sa nasabing kompetisyon, ngunit sa tulong ng kanilang mga coach, pamilya, at paaralan, nagawa nilang malampasan ang mga hamon at maabot ang kanilang mga layunin.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga atleta sa kanilang mga coach na walang sawang gumabay sa kanilang pagsasanay, sa kanilang mga magulang na nagsilbing inspirasyon at lakas, gayundin sa kanilang mga paaralan at sa lokal na pamahalaan ng Santiago City sa patuloy na suporta sa kanilang paglalakbay sa larangan ng palakasan.
Ipinangako rin ng mga ito na pagbubutihin pa ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na Palarong Pambansa upang maipagpatuloy ang pag-uwi ng karangalan para sa kanilang lungsod.
--Ads--










