CAUAYAN CITY – Inirereklamo ng ilang empleyado ang kanilang employer dahil sa ilang buwan na silang nagtatrabaho ngunit wala silang natatangap na benefits at ang inaasahan nilang 13th month pay ay hindi rin naibigay.
Sa naaging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Edelyn Uy isa sa mga nagrereklamo sinabi niya na simula pa nung enero nung nakaraang taon sila ay nagtatrabaho na sa isang Shopping Center dito sa Lungsod ng Cauayan ngunit anila hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na benepisyo.
Aniya noong katapusan ng Disyembre, nagbakasakali silang maibigay ang kanilang inaasahang pandagdag sana sa Bagong Taon, ngunit nakiusap ang kanilang Employer na January 2 na lamang ito ibibigay.
Nagtungong muli ang mga ito kahapon ngunit walang napala ang mga ito dahil wala na naman umano ang sekretarya nito na dahilan kaya hindi maibigay ang 13 month pay ng mga Empleyado.
Nananawagan rin umano ang mga ito sa Department of Labor and Employment na matugunan ang ganitong problema ng mga katulad nilang empleyadong naabuso ng employer na hindi sumusunod sa tamang pasahod, pagbibigay ng Benefits at maging ang 13th month pay.
Aniya ang 420 pesos na sana ay sahod nila, 400 lang ang kanilang natatanggap na wala namang napupunta sa kanilang mga benefits.
Samantala sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang manager ng inirereklamong Shopping Center na tumangging magbigay ng isang Video Interview subalit nilinaw na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaintindihan dahil wala ang sekretarya na siyang nakatalaga sa payroll ng naturang mga empleyado.
Aniya titingnan rin nito kung nababayaran ba ang mga benefits ng mga empleyado.











