CAUAYAN CITY – Nagklase sa ilalim ng mga puno ang ilang estudyante ng Quirino State University, Maddela Campus dahil sa matinding init ng panahon sa lalawigan ng Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manuel de Guzman, Assistant Professor 1, Quirino State University, Maddela Campus, sinabi niya na dahil alas onse ng umaga ang klase nila sa subject na Philippine Popular Culture ay damang dama talaga ang napakainit na simoy ng hangin kahit pa may ceiling fan sa loob ng silid aralan.
Dahil dito ay iminungkahi ng kaniyang mga estudyante na sa silong ng mga punong mangga na lamang sila magklase para mas komportable.
Aniya sa panahong matindi ang init ay napakalaking tulong ng mga punong kahoy sa kanilang Unibersidad para kahit papaano ay maibsan ang mainit na sikat ng araw at makalanghap ng sariwang hangin na malaking tulong para maka pagpokus sa pakikinig sa klase ang mga mag-aaral.
Tinitiyak naman ng mga Instructor na malinis ang sisilungang mga punong kahoy ng mga estudyante kaya nililinis muna nila bago magklase para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa katunayan aniya ay may greening project ang Quirino State University na Project Luntian kung saan nagtatanim sila ng mga punongkahoy.
Isa naman sa kaniyang layunin sa pagbahagi ng mga larawan nila habang nagkaklase sa ilalim ng punong kahoy na maghatid ng mensahe sa Pamahalaan at iba pang mga concerned agencies na magtanim ng punong kahoy lalo na sa panahon kung saan nakakaranas na ang bansa ng matinding init ng panahon.











