Dumarami ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa iba’t ibang bansa na personal na dumalo sa isinagawang Confirmation of Charges hearing ng International Criminal Court (ICC) kahapon, Pebrero 23 (Filipino time), bilang pagpapakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Amik Garceniego, dumating ang ilan sa mga OFWs mula pa sa United Kingdom upang ipakita ang kanilang pagkakaisa at suporta sa dating pangulo. Aniya, naranasan nilang makita kung paano hinarap ni Duterte ang mga hamon ng bansa sa ilalim ng kanyang administrasyon, lalo na sa kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Dagdag pa ni Garceniego, sa lahat ng naging pangulo ng Pilipinas, kabilang ang kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, si Duterte lamang ang nakita niyang tunay na ipinaglaban at pinanindigan ang kapakanan ng mahihirap na Pilipino.
Ipinabatid niya rin na may mga nagrarally na kumakatawan sa mga biktima, ngunit nanatiling maayos ang kapaligiran at walang insidente ng alitan. Umiikot din ang mga pulis sa paligid ng lugar upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa hearing.











