Nagbigay ng proteksyon ang Senado kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa posibleng pag-aresto kaugnay ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Matapos ang ilang buwang pagkawala sa Senado, muling nagpakita si Dela Rosa upang dumalo sa sesyon at bumoto sa naging pagpapalit ng liderato sa Mataas na Kapulungan kung saan nahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President.
Kasabay nito, naging tensyonado ang sitwasyon sa Senado matapos umanong tangkaing harangin at arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dela Rosa.
Sa CCTV footage na ipinakita sa plenaryo, makikitang mabilis na tumatakbo ang senador habang tila hinahabol ng ilang indibidwal.
Inakusahan din ni Dela Rosa ang mga operatiba ng NBI ng pananakit habang nagkaroon naman ng komosyon sa pagitan ng mga tauhan ng NBI at personnel ng Senate Sergeant-at-Arms sa loob ng Senado.
Dumating din sa Senado si NBI Director Melvin Matibag upang tumulong sa pagresolba ng tensyon sa lugar.
Samantala, kinumpirma ng International Criminal Court na tunay ang arrest warrant laban kay Dela Rosa na inilabas ng Pre-Trial Chamber I noong Nobyembre 6, 2025. Kaugnay ito ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa ICC, si Dela Rosa ay kabilang umano sa tinutukoy na “co-perpetrators” sa kaso.
Dahil dito, naghain naman si Dela Rosa ng petisyon sa Korte Suprema upang hilingin ang agarang proteksyon laban sa umano’y “warrantless arrest.”
Sa ilalim ng bagong liderato ni Cayetano, inaprubahan ng Senado ang mosyon na ilagay si Dela Rosa sa protective custody ng Senado.
Samantala, bago pa man ang kanyang pagharap sa Senado, nagtungo rin ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanyang tahanan sa Davao City at opisina sa Senado upang magsilbi ng subpoena kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings sa Davao.
Inatasan si Dela Rosa na humarap kay Police Lt. Col. Jerome Bargamento ng CIDG Major Crimes Investigation Unit sa Mayo 14 sa Camp Crame, Quezon City.
Naglabas din si dating Senador Antonio Trillanes IV ng kopya ng 16-pahinang ICC document at sinabing idinaan umano ito sa “proper channels.”











