--Ads--

CAUAYAN CITY – Naghain ng petisyon ang ilang residente ng Pinoma, Cauayan City na humihiling sa pamahalaang Lokal na sibakin sa pwesto ang ilang kawani ng kanilang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Alice Pascua, residente ng Pinoma, Cauayan City, sinabi niya na napagkasunduan nilang mga residente na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa Emergency Shelter Assitance (ESA) na iwaved na lamang ang kanilang ayuda kapalit ang pagsibak sa puwesto sa kanilang mga barangay worker.

Kabilang na rito ang barangay secretary na nabigo umanong gampanan ang kanyang tungkulin dahil sa palpak at ma-anomalyang listahan ng pamamahagi ng ESA.

Giit ni Ginang Pascua na mismong ang nasabing mga barangay worker at secretary ang nangunguna sa listahan ng mga ibinibigay na ayuda at karamihan pa sa mga pangalang kasama sa listahan ay kanilang kamag-anak.

--Ads--

Aniya, naidulog na ito sa tanggapan ng NBI Isabela kasama ang kanilang punong barangay na si Kapitan Patrosinio Balaan at pinayuhan silang maghain ng petisyon na lalagdaan ng mismong barangay kapitan.

Dagdag niya na umabot na sa mahigit tatlong daang mga residente ng kanilang barangay ang lumagda sa kanilang petisyon na patalsikin sa pwesto ang kanilang barangay workers.

Gayunman ay hindi pa rin nilalagdaan ng kanilang kapitan ang nasabing petisyon dahil kailangan pa umano itong matalakay sa sesyon ng barangay para maipagbigay alam din sa mga inirereklamong kawani ng barangay.

Umaasa siya na pakikinggan ni Barangay Kapitan Patrosinio Balaan ang kanilang petisyon at maaksiyunan ang kanilang kahilingan.

Tinig ni Ginang Alice Pascua.

Samantala inamin ni Barangay Kapitan Patrosinio Balaan na marami sa kanilang mga kabarangay ang na-validate subalit hindi napabilang sa listahan ng mga tatanggap ng ayuda mula sa ESA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kapitan Balaan na pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Rosita ay nauna na silang nag-validate ng mga napinsalang bahay sa bawat purok na kanilang inilista at ini-report sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kasunod nito ay muling nagsagawa ng re-validation ang DSWD para sa 170 slots na itinakda ng tanggapan para sa barangay Pinoma.

Giit niya na hindi niya maaaring alisin sa puwesto ang mga inirereklamong kawani ng barangay dahil kailangan pa itong dinggin sa kanilang sesyon gayunman ay na-iakyat na ito sa tanggapan ni Mayor Bernard Dy.

Aniya, bagamat may kapangyarihan siyang alisin sa pwesto ang mga inirereklamong barangay worker at nang barangay sacretary ay mas nais niyang idaan ito sa tamang proseso.

Tinig ni Barangay Kapitan Patrosinio Balaan.