--Ads--

Posibleng tumaas ang inflation sa bansa sa pagitan ng 5.0% at 6.0% ngayong 2026 dahil sa patuloy na mataas na presyo ng langis, kakulangan sa suplay ng pagkain, at mga “second-round effects” na nagpapalala ng pagtaas ng presyo, ayon sa isang dating opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon kay Diwa Guinigundo, economist ng GlobalSource Partners at dating BSP deputy governor, pumapasok ang Pilipinas sa mas matinding yugto ng inflation, kung saan nagiging tuloy-tuloy na ang cycle ng inflation mula sa mga pansamantalang supply shocks.

Noong Marso, umabot sa 4.1% ang inflation, mas mataas kumpara sa 2.4% noong Pebrero at higit doble ng nakaraang taon, na nagmumungkahi ng lumalalang pressure sa presyo.

Inamin ng BSP ang panganib na dulot nito at itinama ang kanilang inflation projection ngayong taon mula 3.6% at 3.2% patungo sa 5.1% at 3.8%.

--Ads--

Paliwanag ni Guinigundo, ang patuloy na mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, limitadong suplay ng pagkain sa bansa, at mga second-round effects tulad ng hinihinging pagtaas ng sahod, at pag-aadjust ng pamasahe at mga utilities, ay mga pangunahing dahilan ng mas matagal at mataas na inflation.

Apektado rin ang paglago ng ekonomiya dahil mababawasan ang purchasing power ng mga pamilya.

Ayon sa pagtataya ng GlobalSource Partners, posibleng bumagal ng 0.5 hanggang 1.5 puntos ang gross domestic product (GDP) growth mula sa baseline na 5% kung magpapatuloy ang krisis.

Binigyang-diin pa ni Guinigundo na sapat na ang posibleng pagtaas ng policy rate ng 25 hanggang 50 basis points, pati na rin ang malinaw na forward guidance, basta’t patuloy ang kredibilidad ng mga polisiya.