Umabot sa tatlong katao ang nabiktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon sa bayan ng Echague Isabela.
Kinabibilangan ito ng mga kabataang nasa edad walo, sampu at labing isa.
Ang unang biktima na sampung taong gulang ay unang nasugatan sa kamay dahil sa paputok na 5-star noong Dec. 25, 2024 at nitong Dec. 29, 2024 ay muling ibinalik sa ospital dahil muling nasugatan dahil sa paputok na piccolo.
Ang isa namang biktima ay tinamaan ng paputok sa kanyang mata na dinala sa pagamutan sa bayan ng Echague ngunit inilipat sa mas malaking ospital.
Ang isa pa ay mula naman sa Angadanan Isabela na dinala sa Echague District Hospital.
Samantala umabot naman sa dalawampung road traffic incident ang naitala sa bayan ng Echague sa pagsalubong ng bagong taon.
Batay sa talaan ng Echague District Hospital, pawang mga nakainom ng alak ang mga biktima at isa sa mga ito ang nasawi.
Mas mababa naman ang nasabing bilang kung ikukumpara sa kanilang datos noong nakaraang taon.