CAUAYAN CITY – Wala pang nakikitang motibo ang pulisya sa pagdukot sa isang negosyante at Board of Director ng NAWASA, Aparri sa Gonzaga, Cagayan.
Matatandaang nakuna ng CCTV Camera ang actual na pagdukot sa biktimang si Romel Hoseña, 43-anyos, miyembro ng Board of Director ng NAWASA, Aparri at residente ng Progressive, Gonzaga noong ika-27 ng Marso.
Kabababa lamang ng biktima sa kanyang kotse sa harap ng kanilang bahay matapos ihatid ang anak sa eskwelahan.
Matapos maisakay ang biktima sa sasakyan ng mga kidnappers ay nagmadaling tinahak ng mga suspek ang direksyon patungong Sta. Teresita, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Saturnino Soriano, Information Officer ng Police Regional Office 2 (PRO2) sinabi niya na nahirapan silang magsagawa ng manhunt operation dahil nahuling naipabatid sa pulisya ang pangyayari.
Ilang oras na ang nakalipas ng maganap ang pagdukot kay Hoseña nang ipabatid ito sa kanilang mga tauhan.
Ito ay marahil walang masyadong tao sa lugar kung saan dinukot ang biktima, hindi rin aniya tugma para sa ginamit na sasakyan ng mga kidnappers ang plate number ng pulang toyota innova na pinagsakyan sa biktima.
Sa ngayon ay gumugulong pa ang imbestigasyon bagamat may mga nakakalap na silang impormasyon sa posibleng motibo at hindi nila ito itinuturing na factual information.
Sa ngayon ay wala pa silang impormasyon sa posibleng pinagdalhan sa biktima at kung ano ang nangyari sa kanya.
Nanawagan siya sa mga nakakita o dinaanan ng sasakyang ginamit sa pagdukot na makipag-ugnayan sa kanilang hanay para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng dinukot na negosyante.










