
CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 ngayong buwan ng Hulyo.
Sa datos na inilabas ng kooperatiba ay may piso at walumpu’t dalawang sentimong bawas sa bawat kilowatthour sa mga residential at low voltage consumer habang piso at pitumpu’t siyam na sentimos naman sa kada kilowatthour sa mga high voltage consumer.
Ang pagbaba sa singil sa kuryente ay dahil umano sa pagbaba sa pagbili sa Wholesale Electricity Spot Market, pagbaba ng Global Coal Newcastle Price Index at iba pang factor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginoong Ernesto Labuguen, residente sa lungsod ng Cauayan sinabi niyang malaking tulong ang pagbaba sa singil sa kuryente ngayong buwan.
Aniya sana ay magtutuloy-tuloy na ito dahil nagsisitaasan na ang halos lahat ng pangunahing bilihin.










