--Ads--

Nagbabala ang Isabela Electric Cooperative 1 o ISELCO 1 sa posibleng muling pagtaas ng power rate ngayong buwan ng Mayo kasabay ng nararanasang matinding init ng panahon at mataas na demand sa kuryente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Mark Bernabe, head ng Billing Section ng ISELCO 1, sinabi niya na isa sa mga pangunahing dahilan ng posibleng pagtaas ng singil sa kuryente ay ang pagtaas din ng presyo sa generation charge at mas mataas na konsumo ng mga consumer lalo na ngayong tag-init.

Aniya, mas maraming kabahayan ang gumagamit ng cooling appliances gaya ng aircon at electric fan kaya tumataas din ang kabuuang demand sa suplay ng kuryente.

Ipinaliwanag din ni Bernabe na bagamat walang direktang kontrol ang electric cooperative sa generation charge, patuloy naman silang nagbibigay ng paalala at impormasyon sa kanilang mga member-consumer upang makatulong sa tamang paggamit at pagtitipid ng kuryente.

--Ads--

Kabilang sa kanilang mga payo ang pagpatay ng mga appliances na hindi ginagamit, pag-iwas sa sobrang paggamit ng high consumption appliances, at pagsasagawa ng energy-saving practices sa loob ng bahay.

Samantala, hinikayat naman ng ISELCO 1 ang publiko na regular na bantayan ang kanilang konsumo upang maiwasan ang biglaang paglobo ng kanilang electric bill ngayong buwan.