--Ads--

Muling naglunsad ng pag-atake ang Israel sa gitnang bahagi ng Beirut nitong Miyerkules, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 12 katao, kabilang ang direktor ng Al Manar TV, at pagkasira ng dalawang tulay sa katimugang bahagi ng Lebanon.

Napasok ang Lebanon sa digmaan sa Gitnang Silangan noong Marso 2 nang maglunsad ng rockets ang grupong Hezbollah laban sa Israel bilang paghihiganti sa pagkamatay ng pinakamataas na lider ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei.

Bilang tugon, isinagawa ng Israel ang matitinding pag-atake sa Lebanon na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 968 katao at nagdulot ng perwisyo sa higit isang milyong residente, kasabay ng ground operations sa katimugang rehiyon.

Tatlong mataong distrito sa gitna ng Beirut ang tinamaan ng mga pag-atake, na nagdulot ng 12 namatay at 41 na nasugatan. Sa Bashoura, isang buong gusali ang gumuho matapos tamaan ng bomba.

--Ads--

Tinamaan din ang mga apartment sa Basta at Zuqaq al-Blat, mga lugar na dati nang naging target noong 2024 sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hezbollah. Isa sa mga pag-atake ang pumatay kay Mohammad Sherri, direktor ng political programmes ng Al Manar TV, kasama ang kanyang asawa. Tinuligsa ng Hezbollah ang pagpatay bilang sadyang pag-atake, at binatikos ng Lebanese Information Minister.

Sa katimugang bahagi ng Lebanon, nagpapatuloy ang Israeli army sa mga pag-atake sa mga bayan, kabilang ang pagsira ng dalawang tulay sa Litani River upang pigilan ang pagtransport ng mga armas at suplay ng Hezbollah. Tinarget din ng Israel ang limang gasolinahan ng Al-Amana fuel company, na umano’y pinopondohan ang Hezbollah.

Ayon sa pahayag ng UN peacekeeping force sa Lebanon, ang pagtaas ng karahasan ay nagdudulot ng malaking pangamba sa rehiyon dahil sa matitinding palitan ng putok, lumalalang operasyon ng air at ground forces, at tumataas na presensya ng Israeli forces sa loob ng teritoryo ng Lebanon.