CAUAYAN CITY – Hindi inaasahan ng isang kabataang Cauayeño na mapapabilang siya sa mga Natatanging Isabeleño at tatanggap ng parangal bilang isa sa mga Young Achiever ng Lalawigan.
Ito ang pahayag ni kay Mark Francis Galutera isang Sportswriter at student journalist na pinarangalan bilang Most Outstanding Isabeleño sa Young Achiever Category.
Aniya una siyang nakatanggap ng tawag mula sa Pamahalaang Lunsod ng Cauayan kung saan ipinaalam sa kaniya na siya ang isa sa mga napili para sa naturang kategorya.
Isa sa naging batayan ay ang kaniyang mga naging achievements kung saan napili siya bilang Most Outstanding Campus Journalist at kinatawan ng Lungsod ng Cauayan sa Regional School Press Conference, Kingfisher ABM Cup na ginanap sa Dagupan City, Pangasinan at ABM National Competition.
Napakalaki aniya ng tulong para makamit ang tagumpay at pagkilala ang suporta ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
Inaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang pamilya at sa mga taong pilit nagtutulak sa kaniya para makamit ang kaniyang minimithi.
Payo niya sa mga kapwa kabataan na huwag matakot na sumubok o magbakasakali sa mga nagbubukas na oportunidad.
Panawagan naman niya sa Pamahalaan na magbukas ng mga programang magbibigay sa mga kabataan ng pagkakataon para sa kanilang edukasyon.











