
CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na magiging suntok sa buwan ang pangarap ng susunod na administrasyon ni President Elect Bongbong Marcos na maiangat ang pamumuhay ng mga Pilipino kung hindi tuluyang suspendihin ang excise tax ng mga produktong petrolyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PISTON National Chairman Mody Floranda na nauna nang inihayag ni President Elect Marcos na hindi sususpendihin ang excise tax at maaring sagutin ng pamahalaan ang 30% excise tax ng mga produktong petrolyo dahil kung tuluyang suspendihin ay maapektuhan ang mga pangunahing proyekto ng pamahalaan.
Sinabi ni Floranda na kung hindi suspendihin ang excise tax sa langis ay tiyak na magiging pangarap lamang ang pangakong maiangat ang pamumuhay ng mga mamamayan at ang pangakong gagawing P20 ang kada kilo ng bigas sa bansa.
Ang isinusulong na ayuda ay pansamantala lamang na solusyon at mawawalan ng saysay din dahil hindi lahat ng mga driver/operators ay nakakatanggap ng naturang tulong.
Kapag patuloy ang linggo-linggong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay mawawalan ng saysay ang ayuda na ipinagkakaloob sa mga driver/operators.
Makakabuti aniyang suspendihin ang excise tax sa langis dahil hindi lamang mga driver-operators ng mga pampublikong sasakyan ang makikinabang kundi nang mas nakakaraming mamamayan.










