Patuloy na pinalalakas ng Philippine Army ang information campaign sa iba’t ibang bahagi ng Isabela upang mapalawak ang kaalaman ng publiko, lalo na ng mga kabataan, tungkol sa usapin ng West Philippine Sea at kahalagahan nito sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 1Lt. Jeric Labarinto, Team Leader ng 6th Special Forces Company, Philippine Army Northern Luzon Command, sinabi nitong isinasagawa nila ang serye ng information drive sa pakikipagtulungan ng Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines (AFP) Philippine National Police (PNP), mga non-government organizations at iba’t ibang paaralan sa buong lalawigan.
Ayon kay 1Lt. Labarinto, prayoridad nilang maabot ang mga kabataan dahil naniniwala silang sila ang magiging susunod na tagapangalaga ng soberanya ng bansa. Ipinaliwanag din niyang mahalaga ang West Philippine Sea hindi lamang sa usapin ng teritoryo kundi maging sa ekonomiya dahil dito dumaraan ang mga cargo vessel at nagmumula ang malaking bahagi ng yamang-dagat ng bansa.
Dagdag pa niya, pinayuhan din nila ang mga mangingisda sa silangang baybayin ng Isabela na agad isuko sa mga awtoridad ang anumang debris na maaaring marekober matapos ang naiulat na pagdaan ng submarine ballistic missile ng People’s Republic of China. Aniya, naging maganda rin ang pagtanggap ng publiko sa kanilang kampanya at patuloy nilang babalikan ang mga komunidad at paaralan upang mapalawak pa ang kamalayan ng mamamayan.
Umaasa naman ang Philippine Army sa patuloy na kooperasyon ng publiko upang mapanatili ang pagkakaisa at suporta sa pangangalaga sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.











