--Ads--

Tinawag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “outlandish” o kahina-hinala ang mga alegasyon ng prosekusyon hinggil sa umano’y mass graves at malawakang pagpatay sa Davao City, sa pagdinig ng confirmation of charges sa International Criminal Court (ICC) nitong Pebrero 26.

Kinuwestiyon ng depensa ang lalim at katotohanan ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon, partikular ang paratang na “widespread or systematic” ang serye ng mga pagpatay sa lungsod.

Sa pagdinig, mariing pinabulaanan ng defense counsel ang mga akusasyon at iginiit na ang inihahaing Count 1 ng kaso ay sumasaklaw lamang sa siyam na insidente ng pagpatay sa iisang lungsod.

Tinugunan din ng depensa ang pahayag ng kinatawan ng prosekusyon na si Ms. Robynne Craft, na nag-uugnay sa isang quarry site bilang umano’y mass grave. Ayon sa kampo ni Duterte, nagkaroon ng sapat na panahon ang mga awtoridad sa Pilipinas upang magsagawa ng masusing imbestigasyon mula nang maibalik ang judicial warrant, ngunit wala umanong matibay na ebidensyang lumutang.

--Ads--

Dagdag pa ng depensa, ang naging batayan lamang umano ng prosekusyon sa isyung ito ay ang pahayag ni dating Senador Leila de Lima sa isang pagdinig ng Senate committee, na tumutukoy sa pagkakatuklas ng ilang labi ng tao na posibleng pag-aari pa ng mga sundalong Hapones noong World War II, at hindi ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings.

Binatikos din ng abogado ng dating Pangulo ang pahayag ng isa pang saksi na nagsabing may mga bangkay umanong itinapon sa karagatan ng Davao. Inilarawan ito ng depensa bilang isang “outlandish assertion” at iginiit na kahit pa halukayin ang buong Davao Gulf, wala umanong ebidensyang magpapatunay sa naturang alegasyon.