--Ads--

Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagbaba ng voting threshold sa impeachment trial, dahil maaari umano itong humantong sa conviction na hindi nakabatay sa dating 16-vote requirement.

Ayon kay Duterte spokesperson Atty. Paolo Panelo, malinaw umano sa Konstitusyon na kailangan ang two-thirds concurrence ng lahat ng miyembro ng Senado para sa conviction, na katumbas ng 16 na boto sa 24 na senador.

Iginiit ni Panelo na hindi dapat awtomatikong mabawasan ang denominator dahil lamang sa pagliban o kawalan ng kakayahang makilahok ng ilang senador.

Aniya, nananatili silang mga miyembro ng Senado hangga’t walang legal na vacancy sa kanilang mga puwesto.

--Ads--

Nauna nang iginiit ng defense panel na dapat manatili sa 16 ang conviction threshold at kinuwestiyon ang pagbabago nito habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.

Samantala, binaligtad ng Senate Impeachment Court ang naunang ruling ni Presiding Officer Francis Chiz Escudero na nagtakda ng 16 na boto, matapos talakayin ang appeal ni Senator-Judge Erwin Tulfo sa interpretasyon ng pariralang all the Members of the Senate.

Nagbabala rin si Panelo na maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto ang pagbabago sa voting threshold sa interpretasyon ng iba pang constitutional voting requirements sa hinaharap.