
CAUAYAN CITY – Viral sa social media ang video ng ilang miyembro ng Santiago City Police Office (SCPO) na nagpamalas ng kahusayan sa pagkanta.
Bahagi ito ng inorganisang patimpalak ng Police Regional Office (PRO 2) na naglalayong maipabatid sa publiko ang kahalagahan ng pagtutulungan ngayong nararanasan ang COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Cleto Arnel Atluna, Deputy City Director for operations, sinabi niya na bagamat hindi kabilang sa criteria ang pag-upload sa social media ay nagdesisyon ang kanilang pamunuan na ibahagi ito sa publiko bago ang kanilang pagtatanghal sa PRO2.
Binigyang-diin sa kanta ang iba’t ibang paraan ng pagtutulungan na ilang araw na pinag-isipan at ginawa ng SCPO Band.
Sa pamamagitan nito ay maipapakita sa publiko na may puso rin sa sining ang mga pulis partikular sa pagkanta.

Umaasa ang SCPO na sa pamamagitan ng kantang ito ay magiging isa ang layunin ng publiko at mapapaigting pa ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanila.
Kabilang sa mga bumuo at nanguna sa kanta ay sina PMSg. Mark Ulep, PSSg. Kris Dumag, PSSg. Raquel Gabriel, PSSg. Jaime Garabillio Jr., PCpl. Galo Tamaray at Patrolwoman Honey Mallillin.











