Nabigo si Alex Eala matapos ang matinding tatlong set na laban kontra Ukrainian qualifier na si Oleksandra Oliynykova sa unang round ng Internationaux de Strasbourg sa Strasbourg, France.
Tinapos ni Oliynykova ang laban sa iskor na 3-6, 7-5, at 6-3 matapos ang mahaba at dikitang sagupaan sa Centre Court.
Maganda ang naging simula ni Eala kung saan mabilis nitong nakontrol ang unang set sa pamamagitan ng agresibong opensiba at matitinding return shots laban sa kakaibang playing style ng Ukrainian na gumagamit ng looping shots, slices, at drop shots.
Naipanalo ng Filipina ang unang set, 6-3, matapos ma-break ang serbisyo ng kalaban at mapanatili ang momentum sa loob ng 57 minutong laban.
Gayunman, nagbago ang takbo ng laro sa ikalawang set matapos makabawi si Oliynykova at makuha ang 4-0 kalamangan.
Nagpakita pa rin ng matinding laban si Eala at muntik pang makahabol ngunit muling nakabawi ang Ukrainian upang makuha ang ikalawang set, 7-5.
Sa deciding third set, naging dikitan ang palitan ng puntos kung saan kapwa nagpakitang-gilas ang dalawang manlalaro sa mahahabang rallies at matitinding shot-making.
Nakakuha pa ng 3-2 abante si Eala matapos ang isang mahalagang break ngunit muling nakontrol ni Oliynykova ang laro sa huling bahagi ng laban hanggang tuluyan nitong maselyuhan ang panalo.
Sa panalo, uusad si Oliynykova sa susunod na round kung saan makakaharap nito ang mananalo sa pagitan nina Katerina Siniakova at Marie Bouzkova.










