Dapat umanong gamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nalalabing panahon ng kanyang panunungkulan upang magsabi ng katotohanan at papanagutin ang mga sangkot sa umano’y flood control scam, ayon sa isang abogado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, Founder and President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nitong mahalagang mailahad ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang tunay na kalagayan ng bansa at ang mga kongkretong hakbang laban sa katiwalian.
Ayon kay Atty. Inton, marami nang pangakong narinig ng publiko sa nakalipas na apat na taon ngunit hanggang ngayon ay marami pa ring isyung nananatiling walang malinaw na resulta.
Tinukoy nito ang umano’y mga anomalya sa flood control projects at iginiit na dapat mapanagot ang mga opisyal at contractor na sangkot sa naturang usapin.
Aniya, hindi na sapat ang paulit-ulit na pangakong “abangan ang susunod na kabanata” kung wala namang konkretong aksyon na nakikita ang publiko.
Nanawagan din si Atty. Inton sa Pangulo na pakinggan hindi lamang ang kanyang mga kaalyado kundi maging ang hinaing ng ordinaryong mamamayan.
Dagdag pa nito, mahalagang tiyakin ng pamahalaan na ang bawat polisiya at proyektong ipatutupad ay tunay na makikinabang ang taumbayan at hindi lamang magsisilbi sa interes ng iilan.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Atty. Inton na dapat pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mga malalaking proyektong may kaugnayan sa artificial intelligence (AI) upang matiyak na hindi ito magkakaroon ng negatibong epekto sa kapaligiran, suplay ng kuryente at mga lokal na komunidad bago ito tuluyang ipatupad.











