
CAUAYAN CITY – Suspendido na ang klase mula pre-school hanggang secondarya sa Batanes at ilang bahagi ng Cagayan at Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Michael Conag ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 sinabi niya na nasa red Alert status na ang OCD Region 2 partikular sa bahagi ng Batanes at Cagayan.
Dahil sa nararanasang pag-ulan sa Northern Part ng Cagayan at Batanes ay sinuspinde na ang klase sa pre-school hanggang sekondarya sa pampubliko at pribadong paaralan.
Nagsuspinde na rin ng klase sa pre-school hanggang secondary ang LGU Maconacon, Palanan at Divilacan sa Isabela.
Suspendido na rin ang flights sa Basco Airport dahil sa pag-ulan.
Kaugnay nito, 24/7 na ang operasyon ng mga emergency operation center ng OCD Region 2 sa Batanes at Cagayan dahil sa inaasahang epekto ng Bagyong Jenny.
Sa ngayon ay activated at naka preposition na ang kanilang response asset mula sa iba’t ibang cluster para sa monitoring sa Probinsya ng Batanes at Cagayan.
Mahigpit namang nagpaalaala ang OCD Region 2 na ipinagbabawal na ang pag palaot ng maliliit na sasakyang pandagat at umiiral na ang liqour ban.










