CAUAYAN CITY – Kanselado ang klase mula Pre-school, Kindergarten, Elementary at highschool sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Bayan ng Solano, Nueva Vizcaya dahil sa inaasahang power outage.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Eduardo Tiongson sinabi niya na napagdesisyunan ng Bayan ng Solano na kanselahin ang pasok sa paaralan dahil sa matinding init ng panahon.
Aniya ang kautusan ay alinsunod sa DepEd Order 037 na nagbibigay ng pahintulot sa Local Government Units na magkansela ng klase o kaya ay magbawas ng school hours.
Sa inilabas na Executive Order no. 15 series of 2024 ay nagkaisa ang LGU na kanselahin ang klase dahil sa nakaambang power outage na magsisimula ngayong araw.
Sa kabila nito ay pinag-aaralan na rin ang pagbabawas ng school hours na gawing half day na ang pasok mula sa susunod na linggo at magkaroon ng alternative modality dahil sa mainit na panahon.
Ang pasya ay dahil sa ilang impormasyong natatanggap ng LGU na may mga estudyante ang nag-nose bleed at sumasakit na ang ulo dahil sa matinding init habang hindi na rin nakakapokus sa pag-aaral ang mga estudyante habang may sakit na Hypertension naman ang ilang mga guro.
Sakop ng kautusan na ito ang pre-school, kindergarten, elementary at highschool sa pampubliko at pribadong paaralan.
Hindi naman sakop ang tertiary level gayunman binigyan ng mandato ang mga administrator na magkansela ng pasok kung kakailanganin.











