Pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court Branch 21 ang hiling ng House Committee on Justice na payagang dumalo si Ramil Madriaga sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa darating na April 14, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, ang pahintulot ay batay sa kautusang inilabas ni Presiding Judge Alma Crispina Collado-Lacorte na ipinadala na sa komite. Binigyang-diin ni Ridon na si Madriaga ay isang mahalagang testigo sa proseso ng pagtukoy kung mayroong sapat na probable cause ang dalawang impeachment complaint na inihain laban sa Pangalawang Pangulo.
Inaasahang magbibigay si Madriaga ng kanyang testimonya partikular na sa usapin ng umano’y maling paggamit ni Vice President Duterte ng confidential funds.
Bukod sa kanyang pagdalo, inatasan din ng komite si Madriaga na isumite ang orihinal na kopya ng kanyang affidavit na may petsang November 29, 2025, kasama ang iba pang mga ebidensyang nasa kanyang pag-iingat na may kaugnayan sa mga paratang laban sa opisyal. Ang testimonya at mga dokumentong ito ay inaasahang magsisilbing pundasyon sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara upang mabusisi ang katotohanan sa likod ng mga reklamong impeachment.











