--Ads--

Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 ang petisyon ni Manases Carpio na naglalayong ipatigil ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanyang asawa na si Vice President Sara Duterte.

Ayon sa korte, walang hurisdiksyon ang hudikatura upang makialam sa kapangyarihang konstitusyonal ng House of Representatives na magsagawa ng impeachment.

Sa limang pahinang kautusan na nilagdaan ni Presiding Judge Madonna Echiverri noong Mayo 6, tinanggihan ng RTC ang kahilingan ni Carpio para sa writ of preliminary injunction laban kina Speaker Faustino Dy III, House committee on justice chair Batangas Rep. Gerville Luistro, at BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.

Layunin nitong hadlangan ang House justice panel sa pagpapatupad ng subpoenas at pagkuha ng mga dokumento, kabilang ang tax records na umano’y kaugnay kay VP Duterte at Carpio.

--Ads--

Iginiit ng korte na ang komite ay lehitimong gumagamit ng kapangyarihang nakasaad sa Konstitusyon upang suriin ang impeachment complaint.

Ang Kamara ay may “exclusive power to initiate all cases of impeachment” alinsunod sa Article XI ng 1987 Constitution.

Ang subpoena powers ng komite ay bahagi ng inherent authority nito upang maisakatuparan ang mandato ng impeachment.

Ang mga injunction ay hindi maaaring gamitin upang pigilan ang Kamara sa pagtupad ng tungkulin nito.

Tinanggihan din ng korte ang mosyon ni Carpio na humiling na kilalanin ang mga ulat mula sa pahayagan at YouTube videos bilang ebidensya, na tinawag ng RTC na “hearsay evidence”.

Sa huli, binigyang-diin ng RTC na ang naturang kaso ay dapat inihain sa Korte Suprema dahil ang mga respondent ay kumikilos bilang bahagi ng co-equal branch ng pamahalaan.