--Ads--

Ipinakita sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte kung saan lumitaw na wala siyang idineklarang petty cash o bank deposits mula 2019 hanggang 2024, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kanyang net worth.

Batay sa mga dokumentong iniharap sa komite, mayroon pang naitalang liquid assets si Duterte noong mga naunang taon, kabilang ang milyun-milyong pisong cash at deposits mula 2007 hanggang 2018. Gayunman, umano’y bigla itong nawala sa kanyang mga deklarasyon simula 2019.

Sa pagdinig, tinanong ni Manila Rep. Joel Chua si Ombudsman lawyer na si Ombudsman lawyer Karen Batu kung posible bang walang kahit isang pisong cash na idineklara ang bise presidente sa loob ng naturang mga taon.

Ayon naman sa ilang mambabatas, kabilang si Bicol Saro Rep. Terry Ridon, may tinatayang “₱50 million gap” sa kita ni Duterte mula nang pumasok siya sa gobyerno noong 2007.

--Ads--

Nagpahayag din ng pangamba si Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima, na nagsabing nakababahala ang biglaang pagkawala ng liquid assets sa mga sumunod na SALN at maaari itong makaapekto sa kredibilidad ng financial disclosures ng bise presidente.

Batay sa tala, tumaas ang net worth ni Duterte mula ₱7.2 milyon noong 2007 hanggang ₱88.5 milyon noong 2024, na dumaan sa ilang paggalaw habang siya ay nanunungkulan sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ng bise presidente. Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Michael Poa, wala pa silang maibibigay na komento sa ngayon.