CAUAYAN CITY – Nakatakdang iuwi sa Quezon City Metro Manila ang labi ng nasawing piloto ng bumagsak na Piper Plane sa bahagi ng Casala, San Mariano Isabela noong ikatatlumpo ng Nobyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, Commander ng Incident Management Team sinabi niya na naiuwi dito sa Cauayan City ang labi ng pilotong si Levy Abull II sa pamamagitan ng chopper ng Tactical Operations Group o TOG 2 Philippine Air Force sa oras na alas tres trenta ng hapon.
Isinakay ang labi ng piloto sa Sokol helicopter na lumapag sa TOG 2 base at naiturn over na sa kanyang asawa bagamat hindi na isinapubliko pa ng IMT ang mga larawang kuha at hindi na rin nagpapasok pa ng media sa base bilang respeto sa pamilya ng nasawing piloto.
Dinala ang labi ng piloto sa Echague Isabela upang isailalim sa cremation saka iuwi sa Quezon City, Metro Manila habang patuloy na pinaghahanap ang nawawalang pasahero.
Ngayong araw ay nakatakdang ideploy ng Philippine Air Force sa crash site ang K9 tracker team na dumating mula sa Sto. Tomas, Batangas upang hanapin ang nawawalang pasahero na si Erna Escalante.
Matatandaang noong marating ng mga rescuers ang crash site ay tanging ang labi ng piloto ang natagpuan at nakita naman sa lugar ang ginawang pansamantalang shelter o kanlungan ng pasahero kaya hinihinalang buhay ito at naglakad na lamang palayo sa lugar.
Samantala nanawagan naman ang anak ng nawawalang pasahero sa mga rescuers na ipagpatuloy lamang ang paghahanap sa kanyang ina at huwag mawalan ng pag-asa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lira Escalante, anak ng nawawalang pasahero na si Erna Escalante na labis ang kanilang tuwa dahil malaki ang posibilidad na buhay ang kanyang ina lalo at may natagpuang trace nito na bumaba sa eroplano at umalis sa crash site.
Sa kabila nito ay hindi naman nila maiwasang mag-alala pa rin sa posibleng kalagayan nito lalo at hindi pa sigurado kung may natamo itong injury sa pagbagsak ng eroplano.
Nanawagan siya sa mga rescuers na ipagpatuloy ang paghahanap upang mailigtas at makauwi na ang kanyang ina na ayon sa kanya ay maysakit din ito at kakalabas lamang ng ospital nang bumagsak ang sinakyan nitong eroplano.











