CAUAYAN CITY – Inirereklamo ngayon ang isang lalake sa Cauayan City dahil sa pananakit sa sarili nitong ama.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman na matagal nang problema ng pamilya Forto ang kanilang anak.
Inihayag ni Ginoong Roberto Forto Sr. biktima ng pananakit ng sariling anak na si Edward Forto sinabi niya na maraming kalokohan ang kaniyang anak gaya ng paninira ng knailang gamit sa bahay, pagputol ng kuryente at pagnanakaw ng mahahalagang gamit.
Aniya, ang ganitong ginagawa ng kaniyang anak ay maaaring ikapahamak nila lalo at matanda na sila ng kaniyang asawa at maaaring maaksidente sa mga ginagawa ng anak.
Dagdag pa niya na maliban sa pagsira sa motor ng kanilang tangke ng tubig ay sinuntok pa siya ng sariling anak at nagwala pa sa harapan ng mga opisyal ng barangay.
Samantala, tiniyak naman ng Barangay Officials ng Barangay District 3 ang kaligtasan ng pamilya Forto dahil sa pangugulo at pananakit ng kanilang kaanak.
Nakatakda ring magkaroon ng pagpupulong ang barangay para matalakay ang kanilang problema.
Inihayag ni Kagawad Allan Castillo, na dumulog ang isa sa kapatid ng suspek dahil sa pangugulo ng suspek kaya inindorso ang problema sa lupon subalit hindi umano nakinig ang supek kaya naman idinulog na ang problema sa Barangay Kapitan Loren Mangantulao at kung hindi pa rin magkakaayos ay I-eendorso na ang problema sa PNP.











