--Ads--

Isang lalaki ang inaresto matapos umanong lihim na kunan ng video ang isang babae habang naliligo sa loob ng isang boarding house sa Lungsod ng Cauayan.

‎Sa ulat ng pulisya, ang biktima na kinilalang si “Liza,” isang pribadong empleyado, ay nakatira sa naturang boarding house. Ang suspek naman ay kinilala bilang si alyas “Rico”, residente rin sa parehong lugar.

‎Ayon sa imbestigasyon, napansin ng biktima ang isang kahina-hinalang cellphone na nakalagay sa itaas ng kisame at nakatutok sa bathing area habang siya ay naliligo. Sa kanyang pag-usisa, napag-alamang maaaring ginagamit ito upang siya ay lihim na kuhanan ng video nang walang pahintulot.

‎Agad na nagtungo ang biktima sa katabing silid at hinarap ang suspek, kung saan narekober ang naturang cellphone mula sa kanyang pag-iingat. Positibo niyang nakilala ang suspek batay sa mga detalyeng napansin niya sa kamay nito.

--Ads--

‎Dumating ang mga tauhan ng Philippine National Police at inaresto ang suspek. Ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan bago dinala sa ospital para sa pisikal at medikal na eksaminasyon.

‎Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa tanggapan ng piskalya.