--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakilala at naiuwi na ng pamilya ang bangkay ng isang lalaki na natagpuang patay sa Cubag, Cabagan, Isabela.

Nagtungo sa Cabagan Police Station ang kapatid at kinakasama ng biktimang si Jayson Awing, 22 anyos at residente ng Annafunan, Tuguegarao City matapos mapakinggan sa Bombo Radyo ang balita hinggil sa natagpuang bangkay sa nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cabagan Police Station, nagtungo sa kanilang himpilan sina Jaydalyn Awing, 26 anyos, kapatid ni Jayson at residente ng Centro 10, Tuguegarao City kasama si Kimberly Ann Caranguian, 21 anyos, live-in partner ng biktima at residente ng Annafunan, Tuguegarao City upang kilalanin ang bangkay.

Matapos makumpirmang si Jayson ang natagpuang biktima ay iniuwi na ng pamilya ang kanyang bangkay.

--Ads--

Ayon sa Cabagan Police Station, gabi noong linggo nang huli umanong nakita si Awing ng kanyang mga kamag-anak.

Bago siya nawala ay labas-pasok umano siya sa kanilang bahay at tila wala sa sarili.

Walang alam ang pamilya kung mayroon siyang nakaaway.

Lumabas sa pagsusuri ng doktor sa katawan ng biktima na pambubugbog ang sanhi ng kanyang pagkamatay.