--Ads--

Inihayag ni Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy ng Santiago City na maglalaan ang lokal na pamahalaan ng karagdagang pondo upang palawakin ang implementasyon ng programang bigas para sa mga pamilyang Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng alkalde na bagamat tinatayang 10% lamang ng mga pamilya ang target na benepisyaryo sa ilalim ng pambansang programa, magsasagawa ang lungsod ng counterpart upang madagdagan ang saklaw nito.

Ayon kay Mayor Tan-Dy, dodoblehin ng lokal na pamahalaan ang naunang inilaan na ₱23 milyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mahigit ₱40 milyon na pondo.

Layunin nito na masiguro na mas maraming Santiagueño ang makikinabang sa tulong na bigas.

--Ads--

Gayunpaman, hindi pa detalyado kung paano eksaktong ipatutupad ang distribusyon ng nasabing ayuda. Inaasahan naman na sa pamamagitan ng karagdagang pondo ay mapapalawak ang bilang ng mga benepisyaryo sa lungsod.

Bahagi ito ng pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa pambansang programa na naglalayong tugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga pamilyang Pilipino, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.