Patuloy na hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng imbestigasyon sa pamamaslang kay Barangay Kagawad at dating Punong Barangay Lito Publico ng Barangay Malibago, Echague, Isabela habang lumalabas na siya na ang ika-10 barangay official na napaslang sa bansa ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jessica Gallegos-Dy, National President ng Liga ng mga Barangay, sinabi nitong wala pa silang nakikitang malinaw na motibo sa pagpatay kay Publico.
Ayon kay President Dy, payapa naman ang sitwasyong pulitikal sa lugar at maging noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay wala umanong matinding alitan na maaaring iugnay sa insidente.
Batay rin aniya sa kanilang pakikipag-usap sa pamilya ng biktima, bahay, barangay at pagsasaka lamang ang naging pang-araw-araw na gawain nito bago ang pamamaril sa kanyang sakahan.
Sinabi pa ng opisyal na si Publico na ang ika-10 barangay official na napapaslang sa bansa ngayong 2026, mas mababa kumpara sa mga nakalipas na taon.
Batay sa datos ng Liga ng mga Barangay, umabot sa 83 ang naitalang pagpaslang sa mga barangay officials noong 2022, 76 noong 2023, 52 noong 2024, 32 noong 2025, at 10 ngayong 2026 matapos ang pagkamatay ni Publico.
Dagdag pa ng opisyal, pinakamarami pa ring naitatalang insidente sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sinundan ng Central Luzon o Region III, CALABARZON o Region IV-A, at Bicol Region.
Gayunman, inamin nitong marami pa rin sa mga kasong ito ang nananatiling hindi nareresolba at hindi natutukoy ang mga salarin.
Dahil dito, sinabi ni Gallegos-Dy na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Liga ng mga Barangay sa Department of Justice, Office of the President at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng mas malaking pansin ang seguridad at kapakanan ng mga barangay officials.
Kasabay nito, nanawagan siya sa lahat ng barangay officials na maging mapagmatyag sa kanilang seguridad at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may mapansing kahina-hinalang tao o banta sa kanilang buhay.











