--Ads--

Natupok ang tinatayang limang ektaryang talahiban sa grass fire kung saan muntik nang maabot ng apoy ang mga kalapit na kabahayan sa Purok 6, Barangay Nabbuan, Santiago City kagabi, Hulyo 7.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp. Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago, sinabi nito na alas-7:01 ng gabi nang matanggap nila ang ulat at agad na rumesponde ang unang fire truck.

‎Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, nagpakilos pa ang BFP ng karagdagang fire truck habang tumulong din ang Volunteer Fire Brigade sa pag-apula ng sunog.

‎Ayon kay FCInsp. Guillano, pribadong lupain na may matataas na talahib ang nasunog at wala namang naitalang pinsala sa mga kabahayan at agricultural property dahil agad na nagsagawa ng firebreak at tuloy-tuloy na pagbubuga ng tubig ang mga bumbero.

--Ads--

‎Idineklara ang fire out dakong alas-10:30 ng gabi matapos ang mahigit tatlong oras na firefighting operations.

‎Samantala, iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog matapos makatanggap ng impormasyon na posibleng may nagsimula ng apoy. Ayon din sa mga residente, halos taun-taon nang nagaganap ang grass fire sa naturang lugar.

‎Nanawagan naman ang BFP sa publiko na agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad at tumawag kaagad sa kanilang hotline sa oras na makakita ng usok o sunog upang mapabilis ang pagresponde at maiwasan ang mas malaking pinsala.