--Ads--

Positibo ang pananaw ng Liga ng mga Barangay (LNB) sa Lungsod ng Cauayan kaugnay ng posibilidad na hindi matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni LNB President VJ Dy na may maidudulot na benepisyo ang naturang senaryo lalo na sa pagpapatuloy ng mga nasimulang proyekto ng mga opisyal sa barangay.

Ayon kay Dy, kung hindi matutuloy ang halalan, maiiwasan ang aberya sa transition ng pamumuno na kadalasang nagiging sanhi ng pagkaantala o tuluyang hindi pagpapatuloy ng ilang proyekto.

Ipinaliwanag din niya na base sa kanilang obserbasyon, may mga pagkakataon na kapag nagpapalit ng liderato ay hindi naipagpapatuloy ang mga naunang proyekto dahil mas pinipili ng mga bagong opisyal na ipatupad ang sarili nilang mga programa.

--Ads--

Dahil dito, naniniwala ang LNB na mas mabibigyan ng sapat na panahon ang mga kasalukuyang opisyal upang matapos at mas mapagtutukan ang kanilang mga sinimulan para sa kapakinabangan ng kanilang mga nasasakupan.

Gayunman, nilinaw ni Dy na handa pa rin silang tanggapin kung matutuloy ang BSKE ngayong taon. Aniya, nakahanda ang kanilang tanggapan na tumulong sa Commission on Elections (COMELEC) upang matiyak ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng halalan.