--Ads--

CAUAYAN CITY- Dalawang magkamag-anak ang nasawi matapos malunod sa Chico River sa Barangay Namuccayan, Sto. Niño, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima bilang si alyas Leon, 44-anyos, residente ng Taguig City, at si alyas Marlene, 17-anyos, mula sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, bumisita ang magtiyuhin sa kanilang kaanak sa Sto. Niño. Pasado alas-9:00 ng umaga noong Mayo 31, 2025, nagdesisyon silang magtungo sa ilog kasama ang limang iba pa upang mag-picnic at maligo.

Makalipas ang ilang sandali, napansin ng grupo na nawawala si Marlene. Agad namang tumalon sa ilog si Leon upang hanapin at sagipin ang kanyang pamangkin. Subalit, hindi niya inasahan ang lalim ng tubig, dahilan upang siya ay malunod.

--Ads--

Agad na humingi ng tulong ang grupo sa mga opisyal ng barangay, na kaagad namang nakipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Sto. Niño at sa Philippine Coast Guard para sa search and rescue operation.

Natagpuan si Leon sa parehong araw, ngunit idineklara siyang dead on arrival sa pagamutan. Samantala, bandang alas-4:30 ng umaga nitong Linggo, Hunyo 01, 2025, natagpuan din ng mga awtoridad ang bangkay ni Marlene, 30 metro ang layo mula sa Namuccayan Bridge kung saan siya naligo.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat at maging maingat sa pagligo sa ilog, lalo na sa mga hindi pamilyar sa lalim at lakas ng agos ng tubig.