--Ads--

Kinuwestiyon ng Malacañang ang naging pahayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay ng usapin ng katapatan sa Pilipinas, matapos nitong batikusin si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. dahil sa panawagang magbitiw o kuwestiyunin sa korte ang mga opisyal na hindi sumusuporta sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na “very alarming” ang naging pahayag ni Duterte at nakapagtataka umano na tila kinukuwestiyon nito ang usapin ng katapatan ng mga Pilipino sa bansa.

Ayon kay Castro, ang isyu ay hindi tungkol sa loyalty test kundi sa paninindigan ng bawat Pilipino na unahin at ipaglaban ang interes ng Pilipinas, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.

Iginiit din ng Malacañang na walang nakikitang mali sa naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at sinabi nitong ang panawagan ng kalihim ay pagpapakita lamang ng pagmamahal at pagtatanggol sa bansa.

--Ads--

Nauna rito, sa isang Facebook post, hinimok ni Rep. Duterte si Teodoro na itigil ang umano’y “pagde-demonize” sa China at ang pagsasagawa ng aniya’y “loyalty test” sa mga halal na opisyal. Sinabi rin niyang kung may ebidensiya ng pagtataksil sa bayan ang kalihim laban sa sinumang opisyal, nararapat itong isampa sa tamang hukuman sa halip na humiling ng pagbibitiw.

Nag-ugat ang palitan ng pahayag matapos sabihin ni Teodoro na ang mga opisyal na hindi handang ipatupad o igalang ang mga batas at paninindigan ng Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea ay dapat magsampa ng legal na hamon o kusang magbitiw sa kanilang puwesto.

Patuloy namang iginiit ng pamahalaan ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ng Pilipinas sa gitna ng nagpapatuloy na usapin sa West Philippine Sea.