Ipinag-utos ng Palasyo Malacañang ang pagpapatupad ng work-from-home arrangement sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at ilang probinsya sa Luzon ngayong Lunes, Agosto 10, dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Alinsunod sa Memorandum Circular No. 123, lilipat ang pasok sa alternative learning modes habang suspendido ang face-to-face classes, maliban na lamang kung magdedesisyon ang local chief executive na kanselahin ang mga klase.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng memorandum ang Metro Manila,Abra,Bataan,Batangas,Benguet,Bulacan,Cavite,Ilocos Sur,La Union
Occidental Mindoro,Oriental Mindoro,Pampanga,Pangasinan,Rizal,Tarlac at
Zambales.
Samantala, mananatiling bukas at operational ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng publiko ngayong masamang panahon.
May kapangyarihan din ang mga local chief executive na magpatupad ng localized suspension ng klase at trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa iba pang lugar na hindi sakop ng memorandum.
Para naman sa mga pribadong kumpanya at tanggapan, nasa pamunuan na ng bawat kompanya ang desisyon kung magsususpinde sila ng trabaho.










