--Ads--

Tinawag ng Malacañang na “katawa-tawa” ang mga alegasyon ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman laban kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, walang batayan ang paratang ni Kaufman na tinatangka umano ni Marcos na pahinain o “i-neutralize” ang legacy ni Duterte. Aniya, naisampa na ang mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court noong 2017, panahong pribadong mamamayan pa lamang si Marcos.

Idinagdag pa ni Castro na inamin umano ng isa sa mga abogado ni Duterte na si Silvestre Bello III na may insidente ng pagpatay kung saan itinapon umano ang isang tao mula sa helicopter.

Sa halip aniya na magpokus sa retorikang pulitikal, dapat umanong pag-aralan ni Kaufman ang mga detalye ng kasong kinakaharap nito.