--Ads--

Epektibo na ngayong araw, Abril 14 ang malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa matapos ang ilang linggong sunod-sunod na pagtaas ng halaga ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Shell Pilipinas Corporation, ipinatutupad na ang pinakamalaking bawas sa diesel na umaabot sa P23 kada litro. Bumaba rin ng P6.50 ang presyo ng gasolina at P11.50 naman ang kerosene kada litro.

Sinabi ng kumpanya na ito ang pinakamalaking price reduction sa hanay ng mga lokal na oil firms sa kasalukuyang rollback cycle.

Samantala, nagpatupad din ng bawas-presyo ang Jetti Petroleum kung saan P2 kada litro ang ibinawas sa diesel, habang nananatiling walang galaw ang presyo ng gasolina.

--Ads--

Nag-anunsyo rin ang Unioil Petroleum Philippines ng P20.90 kada litro na rollback sa diesel at P4.50 sa gasolina.

Ayon sa Department of Energy (DOE), naipapatupad na rin sa buong industriya ang inaasahang minimum rollback na P20.89 kada litro sa diesel, P4.43 sa gasolina, at P8.50 sa kerosene.

Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis kasunod ng mga ulat sa usapin ng ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, bagaman nananatiling hindi pa ganap ang kasunduan ng dalawang bansa.

Tiniyak ng DOE na patuloy ang pagbabantay nito upang agad na maipabatid sa publiko ang anumang susunod na pagbabago sa presyo ng langis.